64 - At-Taghaabun
Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.
(1) Nagluluwalhati kay Allāh ang anumang nasa mga langit at ang anumang nasa lupa; sa Kanya ang paghahari at ukol sa Kanya ang papuri. Siya sa bawat bagay ay May-kakayahan.
(2) Siya ay ang lumikha sa inyo, saka kabilang sa inyo ay tagatangging sumampalataya at kabilang sa inyo ay mananampalataya. Si Allāh sa anumang ginagawa ninyo ay Nakakikita.
(3) Lumikha Siya ng mga langit at lupa ayon sa katotohanan, nagbigay-anyo Siya sa inyo saka nagpaganda Siya ng mga anyo ninyo; tungo sa Kanya ang kahahantungan.
(4) Nakaaalam Siya sa anumang nasa mga langit at lupa at nakaaalam Siya sa anumang inililihim ninyo at anumang inihahayag ninyo. Si Allāh ay Maalam sa laman ng mga dibdib.
(5) Hindi ba sumapit sa inyo ang ulat hinggil sa mga tumangging sumampalataya bago pa niyon? Kaya lumasap sila ng kasaklapan ng lagay nila, at ukol sa kanila ay isang pagdurusang masakit.
(6) Iyon ay dahil sa noon ay nagdadala sa kanila ang mga sugo nila ng mga malinaw na patunay ngunit nagsabi sila: "Mga tao ba ang papatnubay sa amin?" Kaya tumanggi silang sumampalataya, tumalikod sila, at nagwalang-halaga si Allāh [sa kanila]. Si Allāh ay Walang-pangangailangan, Kapuri-puri.
(7) Nag-angkin ang mga tumangging sumampalataya na hindi raw sila bubuhayin. Sabihin mo: "Oo naman; sumpa man sa Panginoon ko, talagang bubuhayin nga kayo, pagkatapos talagang babalitaan nga kayo hinggil sa ginawa ninyo. Iyon kay Allāh ay madali."
(8) Kaya sumampalataya kayo kay Allāh, sa Sugo Niya, at sa liwanag na pinababa. Si Allāh sa anumang ginagawa ninyo ay Mapagbatid.
(9) Sa Araw na magtitipon Siya sa inyo para sa Araw ng pagtitipon. Iyon ay ang araw ng lamangan. Ang sinumang sumasampalataya kay Allāh at gumagawa ng matuwid ay magtatakip Siya rito sa mga masagwang gawa nito at magpapapasok Siya rito sa mga Hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga mananatili sa mga ito magpakailanman. Iyon ang pagkatamong sukdulan.
(10) Ang mga tumangging sumampalataya at nagpasinungaling sa mga tanda Namin, ang mga iyon ay ang mga maninirahan sa Apoy bilang mga mananatili roon. Kay saklap ang kahahantungan!
(11) Walang tumama na anumang kasawian malibang ayon sa pahintulot ni Allāh. Ang sinumang sumasampalataya kay Allāh ay magpapatnubay Siya sa puso nito. Si Allāh sa bawat bagay ay Maalam.
(12) Tumalima kayo kay Allāh at tumalima kayo sa Sugo. Kaya kung tumalikod kayo, tanging kailangan sa Sugo Namin ang pagpapaabot na malinaw.
(13) Si Allāh, walang Diyos kundi Siya. Kay Allāh ay manalig ang mga mananampalataya.
(14) O mga sumampalataya, tunay na mayroon sa mga maybahay ninyo at mga anak ninyo na kaaway para sa inyo kaya mag-ingat kayo sa kanila. Kung magpapaumanhin kayo, magpapalampas kayo, at magpapatawad kayo, tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
(15) Ang mga yaman ninyo at ang mga anak ninyo ay isang tukso lamang samantalang si Allāh sa ganang Kanya ay may isang pabuyang sukdulan.
(16) Kaya mangilag kayong magkasala kay Allāh sa abot ng makakaya ninyo, makinig kayo, tumalima kayo, at gumugol kayo ng isang kabutihan para sa mga sarili ninyo. Ang sinumang ipinagsanggalang sa kasakiman ng sarili niya, ang mga iyon ay ang mga magtatagumpay.
(17) Kung magpapautang kayo kay Allāh nang pagpapautang na maganda ay magpapaibayo Siya nito para sa inyo at magpapatatawad Siya sa inyo. Si Allāh ay Mapagpasalamat, Matimpiin,
(18) ang Nakaaalam sa Lingid at Hayag, ang Makapangyarihan, ang Marunong.