60 - Al-Mumtahana
Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.
(1) O mga sumampalataya, huwag kayong gumawa sa kaaway Ko at kaaway ninyo bilang mga katangkilik na nag-uukol kayo sa kanila ng pagmamahal samantalang tumanggi na silang sumampalataya sa dumating sa inyo na katotohanan, habang nagpapalisan sila sa Sugo at sa inyo dahil sumampalataya kayo kay Allāh na Panginoon ninyo. [Iyon ay] kung kayo ay hahayo sa isang pakikibaka sa landas Ko at sa paghahangad sa kaluguran Ko. Nagtatapat kayo sa kanila ng pagmamahal samantalang Ako ay nakaaalam sa anumang ikinukubli ninyo at anumang inihahayag ninyo. Ang sinumang gumagawa niyon kabilang sa inyo ay naligaw nga siya palayo sa katumpakan ng landas.
(2) Kung mananaig sila inyo, sila para sa inyo ay magiging mga kaaway, magpapaabot sila laban sa inyo ng mga kamay nila at mga dila nila sa pamamagitan ng kasagwaan. Nag-asam sila na kung sana tumatanggi kayong sumampalataya.
(3) Hindi magpapakinabang sa inyo ang mga ugnayang pangkaanak ninyo ni ang mga anak ninyo. Sa Araw ng Pagbangon ay magpapahiwalay Siya sa pagitan ninyo. Si Allāh sa anumang ginagawa ninyo ay Nakakikita.
(4) Nagkaroon nga para sa inyo ng isang tinutularang maganda dahil sa kay Abraham at sa mga kasama sa kanya noong nagsabi sila sa mga kababayan nila: "Tunay na kami ay mga walang-kaugnayan sa inyo at sa sinasamba ninyo bukod pa kay Allāh; tumanggi kami sa inyo at lumantad na sa pagitan namin at ninyo ang poot at ang suklam magpakailanman hanggang sa sumampalataya kayo kay Allāh lamang," maliban sa sabi ni Abraham sa ama niya: "Talagang hihingi nga ako ng tawad para sa iyo samantalang hindi ako nakapagdudulot para sa iyo laban kay Allāh ng anuman. Panginoon namin, sa Iyo kami nanalig, tungo sa Iyo kami nagsisising bumalik, at tungo sa Iyo ang kahahantungan.
(5) Panginoon namin, huwag Kang gumawa amin bilang pinag-uusig para sa mga tumangging sumampalataya at magpatawad Ka sa amin, Panginoon namin; tunay na Ikaw ay ang Makapangyarihan, ang Marunong."
(6) Talaga ngang nagkaroon para sa inyo sa kanila ng isang tinutularang maganda para sa sinumang naging nag-aasam kay Allāh at sa Huling Araw. Ang sinumang tatalikod, tunay na si Allāh ay ang Walang-pangangailangan, ang Kapuri-puri.
(7) Marahil si Allāh ay maglagay sa pagitan ninyo at ng mga inaway ninyo kabilang sa kanila ng isang pagmamahal. Si Allāh ay May-kakayahan. Si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
(8) Hindi sumasaway sa inyo si Allāh, sa mga hindi nakipaglaban sa inyo sa Relihiyon at hindi nagpalisan sa inyo mula sa mga tahanan ninyo, na magpakabuti kayo sa kanila at magpakamakatarungan kayo sa kanila. Tunay na si Allāh ay umiibig sa mga nagpapakamakatarungan.
(9) Sumasaway lamang sa inyo si Allāh sa mga nakipaglaban sa inyo sa Relihiyon, nagpalisan sa inyo mula sa mga tahanan ninyo, at nagtaguyod sa pagpapalisan sa inyo, na tumangkilik kayo sa kanila. Ang sinumang tumangkilik sa kanila, ang mga iyon ay ang mga tagalabag sa katarungan.
(10) O mga sumampalataya, kapag dumating sa inyo ang mga babaing mananampalataya bilang mga lumikas ay sulitin ninyo sila. Si Allāh ay higit na maalam sa pananampalataya nila. Kaya kung nalaman ninyo na sila ay mga babaing mananampalataya, huwag kayong magpapabalik sa kanila sa mga tagatangging sumampalataya. Hindi sila ipinahintulot para sa mga ito at hindi ang mga ito pinahihintulutan para sa kanila. Magbigay kayo sa mga ito ng ginugol ng mga ito. Walang maisisisi sa inyo na magpakasal kayo sa kanila kapag nagbigay kayo sa kanila ng mga bigay-kaya sa kanila. Huwag kayong kumapit sa mga bigkis ng kasal sa mga babaing tagatangging sumampalataya. Humingi kayo ng ginugol ninyo at humingi ang mga ito ng ginugol ng mga ito. Iyon ay ang kahatulan ni Allāh; humahatol Siya sa pagitan ninyo. Si Allāh ay Maalam, Marunong.
(11) Kung may nakaalpas sa inyo na anuman mula sa mga maybahay ninyo patungo sa mga tagatangging sumampalataya at nakasamsam kayo, magbigay kayo sa mga inalisan ng mga maybahay nila ng tulad ng ginugol nila [na bigay-kaya]. Mangilag kayong magkasala kay Allāh, na kayo ay sa Kanya mga mananampalataya.
(12) O Propeta, kapag dumating sa iyo ang mga babaing mananampalataya, na nangangako ng katapatan sa iyo na hindi sila magtatambal kay Allāh ng anuman, hindi sila magnanakaw, hindi sila mangangalunya, hindi sila papatay ng mga anak nila, hindi sila magdadala ng isang kasiraang-puri na ginagawa-gawa nila sa pagitan ng mga kamay nila at mga paa nila, at hindi sila susuway sa iyo sa isang nakabubuti ay tumanggap ka ng pangako ng katapatan nila at humingi ka ng tawad para sa kanila kay Allāh. Tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
(13) O mga sumampalataya, huwag kayong tumangkilik sa mga tao na nagalit si Allāh sa kanila, na nawalan na sila ng pag-asa sa Kabilang-buhay kung paanong nawalan ng pag-asa ang mga tagatangging sumampalataya sa [pagbabalik ng] mga kasamahan ng mga libingan.