59 - Al-Hashr
Sa ngalan ni Allāh, ang Napakamaawain, ang Maawain.
(1) Nagluwalhati kay Allāh ang anumang nasa mga langit at ang anumang nasa lupa. Siya ay ang Makapangyarihan, ang Marunong.
(2) Siya ay ang nagpalisan sa mga tumangging sumampalataya kabilang sa mga May Kasulatan mula sa mga tahanan nila sa unang pagkakalap. Hindi kayo nagpalagay na sila ay lilisan. Nagpalagay sila na sila ay ipagtatanggol ng mga kuta nila laban kay Allāh, ngunit nagpapunta sa kanila si Allāh [ng pagdurusa] mula sa kung saan hindi nila inaasahan. Bumato Siya sa mga puso nila ng hilakbot. Sumisira sila ng mga bahay nila sa pamamagitan ng mga kamay nila at mga kamay ng mga mananampalataya. Kaya magsaalang-alang kayo, O mga may paningin.
(3) Kung sakaling hindi nagtakda si Allāh sa kanila ng paglayas ay talaga sanang pinagdusa Niya sila sa Mundo. Ukol sa kanila sa Kabilang-buhay ang pagdurusa sa Apoy.
(4) Iyon ay dahil sa sila ay nakipaghidwaan kay Allāh at sa Sugo Niya. Ang sinumang nakikipaghidwaan kay Allāh, tunay na si Allāh ay matindi ang parusa.
(5) Ang anumang pinutol ninyo na isang [punong] datiles o iniwan ninyo ito na nakatayo sa mga puno nito ay ayon sa pahintulot ni Allāh at upang magpahiya Siya sa mga suwail.
(6) Ang anumang ipinakumpiska ni Allāh sa Sugo Niya mula sa kanila ay hindi kayo nagpatulin para rito ng anumang mga kabayo ni mga kamelyo, subalit nagpapangibabaw si Allāh sa mga sugo Niya sa sinumang niloloob Niya. Si Allāh sa bawat bagay ay May-kakayahan.
(7) Ang anumang ipinakumpiska ni Allāh sa Sugo Niya mula sa mga naninirahan sa mga pamayanan ay ukol kay Allāh, ukol sa Sugo, ukol sa may pagkakamag-anak [sa Sugo], mga ulila, mga dukha, at kinapos sa landas upang hindi ito maging isang yamang palipat-lipat sa pagitan ng mga mayaman kabilang sa inyo. Ang anumang ibinigay sa inyo ng Sugo ay kunin ninyo at ang anumang sinaway niya sa inyo ay tigilan ninyo. Mangilag kayong magkasala kay Allāh; tunay na si Allāh ay matindi ang parusa.
(8) [May ginugugol] para sa mga maralitang lumikas, na mga pinalisan mula sa mga tahanan nila at mga yaman nila, habang naghahangad ng isang kabutihang-loob mula kay Allāh at isang pagkalugod, at nag-aadya kay Allāh at sa Sugo Niya. Ang mga iyon ay ang mga tapat.
(9) Ang mga namalagi sa tahanan [sa Madīnah] at pananampalataya bago pa ng mga iyon ay umiibig sa sinumang lumikas kanila, hindi nakatatagpo sa mga dibdib nila ng isang pangangailangan sa anumang ibinigay sa mga iyon, at nagtatangi [sa mga iyon] higit sa mga sarili nila, kahit pa man sa kanila ay may kadahupan. Ang sinumang ipinagsasanggalang sa kasakiman ng sarili niya, ang mga iyon ay ang mga magtatagumpay.
(10) Ang mga dumating nang matapos nila ay nagsasabi: "Panginoon namin, magpatawad Ka sa amin at sa mga kapatid namin na nauna sa amin sa pananampalataya at huwag Kang maglagay sa mga puso Namin ng isang hinanakit sa mga sumampalataya. Panginoon namin, tunay na Ikaw ay Mahabagin, Maawain."
(11) Hindi ka ba tumingin sa mga nagpaimbabaw habang nagsasabi sa mga kapatid nila na mga tumangging sumampalataya kabilang sa mga May Kasulatan: "Talagang kung pinalayas kayo ay talagang lalayas nga kami kasama sa inyo. Hindi kami tatalima alang-alang sa inyo sa isa man magpakailanman. Kung kinalaban kayo ay talagang mag-aadya nga kami sa inyo." Si Allāh ay sumasaksi na tunay na sila ay talagang mga sinungaling.
(12) Talagang kung pinalisan ang mga ito ay hindi sila lilisan kasama sa mga ito. Talagang kung kinalaban ang mga ito ay hindi sila mag-aadya sa mga ito. Talagang kung nag-aadya man sila sa mga ito ay talaga ngang magbabaling sila ng mga likuran [nila], pagkatapos hindi sila maiaadya.
(13) Talagang kayo ay higit na matindi sa kilabot sa mga dibdib nila kaysa kay Allāh. Iyon ay dahil sila ay mga taong hindi nakapag-uunawa.
(14) Hindi sila nakikipaglaban sa inyo nang magkasama maliban sa mga pamayanang pinatibay o mula sa likod ng mga pader. Ang bagsik nila sa pagitan nila ay matindi. Mag-aakala ka na sila ay magkasama samantalang ang mga puso nila ay hati-hati. Iyon ay dahil sila ay mga taong hindi nakapag-uunawa.
(15) [Sila ay] katulad ng mga bago pa nila kamakailan. Lumasap sila ng kasaklapan ng nauukol sa nila at ukol sa kanila ay isang pagdurusang masakit.
(16) [Sila ay] katulad ng demonyo noong nagsabi siya sa tao: "Tumanggi kang sumampalataya!" Ngunit noong tumangging sumampalataya ito ay nagsabi siya: "Tunay na ako ay walang-kaugnayan sa iyo; tunay na ako ay nangangamba kay Allāh, ang Panginoon ng mga nilalang."
(17) Kaya ang kahihinatnan nilang dalawa ay na silang dalawa ay sa Apoy bilang mga mananatili roon. Iyon ay ang ganti sa mga tagalabag sa katarungan.
(18) O mga sumampalataya, mangilag kayong magkasala kay Allāh, at tumingin ang kaluluwa sa ipinauna niya para sa bukas. Mangilag kayong magkasala kay Allāh; tunay na si Allāh sa anumang ginagawa ninyo ay Mapagbatid.
(19) Huwag kayong maging gaya ng mga lumimot kay Allāh kaya nagpalimot Siya sa kanila ng mga sarili nila. Ang mga iyon ay ang mga suwail.
(20) Hindi nagkakapantay ang mga maninirahan sa Apoy at ang mga maninirahan sa Paraiso. Ang mga maninirahan sa Paraiso ay ang mga magwawagi.
(21) Kung sakaling nagpababa Kami ng Qur’ān na ito sa isang bundok ay talaga sanang nakakita ka rito na nagpapakumbaba na nagkabitak-bitak dahil sa takot kay Allāh. Ang mga paghahalimbawa na iyon ay inilalahad Namin para sa mga tao nang sa gayon sila ay mag-iisip-isip.
(22) Siya ay si Allāh na walang Diyos kundi Siya, ang Nakaaalam sa Lingid at Hayag. Siya ay ang Napakamaawain, ang Maawain.
(23) Siya ay si Allāh na walang Diyos kundi Siya, ang Hari, ang Kabanal-banalan, ang Sakdal, ang Tagapagpasampalataya, ang Tagapagsubaybay, ang Makapangyarihan, ang Palasupil, ang Nakapagmamalaki. Kaluwalhatian kay Allāh higit sa anumang itinatambal nila!
(24) Siya ay si Allāh, ang Tagalikha, ang Tagalalang, ang Tagapag-anyo; sa Kanya ang mga pangalan na pinakamaganda. Nagluluwalhati sa Kanya ang anumang nasa mga langit at lupa. Siya ay ang Makapangyarihan, ang Marunong.