58 - Al-Mujaadila
Sa ngalan ni All?h, ang Napakamaawain, ang Maawain.
(1) Narinig nga ni Allāh ang sabi ng [babaing] nakikipagtalo sa iyo hinggil sa asawa niya at dumaraing kay Allāh at si Allāh ay nakaririnig sa pagtatalakayan ninyong dalawa. Tunay na si Allāh ay Madinigin, Nakakikita.
(2) Ang mga nagsasagawa ng dhihār kabilang sa inyo sa mga maybahay nila [ay nagsinungaling]; ang mga ito ay hindi mga ina nila; walang iba ang mga ina kundi ang mga nagsilang sa kanila. Tunay na sila ay talagang nagsasabi ng isang nakasasama kabilang sa sinasabi at isang kabulaanan. Tunay na si Allāh ay talagang Mapagpaumanhin, Mapagpatawad.
(3) Ang mga nagsasagawa ng dhihār sa mga maybahay nila, pagkatapos bumabawi sila sa sinabi nila, ay pagpapalaya ng isang alipin [ang panakip-sala] bago pa silang dalawa magsalingan. Gayon kayo pinangangaralan. Si Allāh sa anumang ginagawa ninyo ay Mapagbatid.
(4) Ngunit ang sinumang hindi nakatagpo [ng mapalalaya ay kailangan sa kanya] ang pag-aayuno ng dalawang buwang nagkakasunuran bago pa silang dalawa magsalingan; ngunit ang sinumang hindi nakakaya [ay kailangan sa kanya] ang pagpapakain ng animnapung dukha. Iyon ay upang sumampalataya kayo kay Allāh at sa Sugo Niya. Iyon ay ang mga hangganan ni Allāh. Ukol sa mga tagatangging sumampalataya ay isang pagdurusang masakit.
(5) Tunay na ang mga sumasalansang kay Allāh at sa Sugo Niya ay dudustain kung paanong dinusta ang mga bago pa nila. Nagpababa nga Kami ng mga tandang malilinaw. Ukol sa mga tagatangging sumampalataya ay isang pagdurusang manghahamak,
(6) sa Araw na bubuhay sa kanila si Allāh sa kalahatan saka magbabalita Siya sa kanila hinggil sa ginawa nila. Mag-iisa-isa niyon si Allāh samantalang lumimot sila niyon. Si Allāh sa bawat bagay ay Saksi.
(7) Hindi mo ba napag-alaman na si Allāh ay nakaaalam sa anumang nasa mga langit at anumang nasa lupa? Walang anumang sarilinang pag-uusap ng tatlo malibang Siya ay ang ikaapat nila, ni ng lima malibang Siya ay ang ikaanim nila, ni ng higit na mababa kaysa roon, ni ng higit na marami kaysa roon malibang Siya ay kasama sa kanila nasaan man sila. Pagkatapos magbabalita Siya sa kanila, hinggil sa anumang ginawa nila, sa Araw ng Pagbangon. Tunay na si Allāh sa bawat bagay ay Maalam.
(8) Hindi ka ba tumingin sa mga sinaway laban sa sarilinang pag-uusap, pagkatapos nanunumbalik sila sa sinaway sa kanila at sarilinang nag-uusapan sila hinggil sa kasalanan, pangangaway, at pagsuway sa Sugo? Kapag dumating sila sa iyo ay bumabati sila sa iyo ng hindi ibinati sa iyo ni Allāh at nagsasabi sila sa mga sarili nila: "Bakit hindi tayo pagdusahin ni Allāh dahil sa sinasabi natin?" Kasapatan sa kanila ang Impiyerno. Masusunog sila roon, kaya kay saklap ang kahahantungan!
(9) O mga sumampalataya, kapag sarilinang nag-usapan kayo ay huwag kayong sarilinang mag-usapan hinggil sa kasalanan, pangangaway, at pagsuway sa Sugo, bagkus sarilinang mag-usapan kayo hinggil sa pagpapakabuti at pangingilag magkasala. Mangilag kayong magkasala kay Allāh na tungo sa Kanya ay kakalapin kayo.
(10) Ang [masamang] sarilinang pag-uusap ay mula sa demonyo lamang upang malungkot ang mga sumampalataya at hindi siya makapipinsala sa kanila ng anuman malibang may pahintulot ni Allāh. Kay Allāh ay manalig ang mga mananampalataya.
(11) O mga sumampalataya, kapag sinabi sa inyo na magpaluwang-luwang kayo sa mga pagtitipon ay magpaluwang kayo, magpapaluwang si Allāh para sa inyo. Kapag sinabi sa inyo na tumindig kayo ay tumindig kayo, mag-aangat si Allāh ng mga antas sa mga sumampalataya kabilang sa inyo at mga binigyan ng kaalaman. Si Allāh sa anumang ginagawa ninyo ay Mapagbatid.
(12) O mga sumampalataya, kapag sarilinang nakipag-usap kayo sa Sugo ay maghandog kayo, bago ng sarilinang pag-uusap ninyo, ng isang kawanggawa. Iyon ay higit na mabuti para sa inyo at higit na dalisay. Ngunit kung hindi kayo nakatagpo, tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
(13) Nabagabag ba kayo na maghandog kayo, bago ng sarilinang pag-uusap ninyo, ng mga kawanggawa? Kaya kapag hindi ninyo nagawa at tumanggap si Allāh sa inyo ng pagbabalik-loob ay magpanatili kayo ng pagdarasal, magbigay kayo ng zakāh, at tumalima kayo kay Allāh at sa Sugo Niya. Si Allāh ay Mapagbatid sa anumang ginagawa ninyo.
(14) Hindi ka ba tumingin sa mga tumangkilik sa mga taong nagalit si Allāh sa mga iyon? Sila ay hindi kabilang sa inyo at hindi kabilang sa mga iyon. Sumusumpa sila sa kasinungalingan habang sila ay nakaaalam.
(15) Naghanda si Allāh para sa kanila ng isang pagdurusang matindi. Tunay na sila ay kay sagwa ang dati nilang ginagawa!
(16) Gumawa sila sa mga panunumpa nila bilang panangga kaya sumagabal sila sa landas ni Allāh, kaya ukol sa kanila ay isang pagdurusang manghahamak.
(17) Hindi makapagpapakinabang para sa kanila ang mga yaman nila ni ang mga anak nila laban kay Allāh sa anuman. Ang mga iyon ay ang mga maninirahan sa Apoy; sila ay doon mga mananatili,
(18) sa Araw na bubuhay sa kanila si Allāh sa kalahatan saka manunumpa sila sa Kanya kung paanong nanunumpa sila sa inyo. Nag-aakala sila na sila ay [nakabatay] sa isang bagay. Pansinin, tunay na sila ay ang mga sinungaling.
(19) Nakagapi sa kanila ang demonyo kaya nagpalimot ito sa kanila ng pag-alaala kay Allāh. Ang mga iyon ay ang lapian ng demonyo. Pansinin, tunay na ang lapian ng demonyo ay ang mga lugi.
(20) Tunay na ang mga sumasalansang kay Allāh at sa Sugo Niya, ang mga iyon ay kabilang sa mga pinakakaaba-aba.
(21) Nagtakda si Allāh: "Talagang mananaig nga Ako mismo at ang mga sugo Ko." Tunay na si Allāh ay Malakas, Makapangyarihan.
(22) Hindi ka makatatagpo ng mga taong sumasampalataya kay Allāh at sa Huling Araw na nakikipagmahalan sa sinumang sumalansang kay Allāh at sa Sugo Niya, kahit pa man ang mga ito ay mga magulang nila o mga anak nila o mga kapatid nila o angkan nila. Ang mga iyon ay sinulatan Niya sa mga puso nila ng pananampalataya at inalalayan Niya sa pamamagitan ng isang espiritu mula sa Kanya. Magpapapasok Siya sa kanila sa mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga mananatili sa mga ito. Nalugod si Allāh sa kanila at nalugod sila sa Kanya. Ang mga iyon ay ang lapian ni Allāh. Pansinin, tunay na ang lapian ni Allāh ay ang mga matagumpay.